Thursday, July 28, 2016

Statement of National Confederation of Labor

Sa Unang SONA ni Pangulong Duterte:


IGIIT ANG AGENDA NG URING MANGGAGAWA!
ITULAK ANG BURGESYA SA REPORMA NG KAPITALISTANG EKONOMIYA!





Atrasadong Burgesya, Atrasadong Kapitalismo. Ipinagmamalaki ng nakaraang Rehimeng Aquino na nagawa nitong maging matatag ang ekonomiya ng bansa. Marahil ang tinutukoy lang nito ay ang paghahatian ng mga lokal na kapitalista sa yaman mula sa Public-Private Partnership (PPP) sa industriya ng kuryente, tubig, edukasyon, pabahay, transportasyon, komunikasyon, atbp. Sa halip na angkinin at pagyamanin ng gobyerno ang pagbibigay serbisyo-publiko sa mahihirap na Pilipino ay ipinaubaya ito sa mga “di-industriyalisado at atrasadong” kapitalista na kampante na sa dambuhalang tubo sa negosyong ito. Kaiba sila sa mga “abanteng” kapitalista sa pagmamanupaktura (pagkain, damit, atbp.) na hindi permanente ang tubo dahil sa nagbabagu-bago ang pangangailangan (demand) ng publiko at laging naka-depende sa lawak o kitid ng pamilihan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga dating malalaking lokal na kapitalista ay inilipat ang kapital sa pagni-negosyo sa serbisyo-publiko at tinalikdan ang pagni-negosyo sa pagmamanupaktura dahil sa masikip na pamilihan at hindi makampante sa tubo – ganito ang karakter ng atrasadong kaptitalismo sa bansa.

Atrasadong Burgesya, Atrasadong Ekonomiya. Ang pamamayani ng non-industrial na burgesya sa bansa ang ugat kung bakit marupok at di-istable ang ekonomiya. Ang malalaking lokal na kapitalista (Henry Sy, Jonh Gokongwei, Lucio Tan, atbp.) ay nakapundar sa economic fundamentals ng Service Oriented Economy (SOE) na siyang itinataguyod ng gobyerno. Ang mga atrasadong kapitalistang ito ang direktang nakikinabang sa paglago ng ekonomiya, hindi ang uring manggagawa!

Service Oriented Economy, Marupok na Ekonomiya. Ang patuloy na paghihikahos ng uring anakpawis ay epekto ng atrasado at marupok na ekonomiya bunga ng pagsasa-pribado ng mga pampublikong serbisyo, kung saan nagiging mataas ang presyo ng serbisyo (kuryente at tubig, gamot at ospital, edukasyon at iba pang gastusin sa araw-araw) kumpara sa sweldo ng bawat mahihirap na pamilya. Upang maibsan man lang ang bigat ng karalitaan nila, isinagawa ng gobyerno ang pamumudmod ng pera sa mahihirap na tinawag na Conditonal Cash Transfer (CCT) o 4Ps. Ito ay hindi para sa layuning ganap na wakasan ang kahirapan, kundi magamit pa sa layuning pulitikal na sa bawat eleksyon ay laging gamit ang pangako ng pag-ahon sa karukhaan ng tao, kung kaya CCT ang solusyon ng mga pulitiko. Kung seseryosohin ng gobyerno ang pagsugpo sa kahirapan, ang dapat gawin ay ang pagbibigay ng oportunidad sa trabaho at hindi ang  limusan kada buwan ng gobyerno ang mahihirap.

Trabaho at Makataong Sweldo. Ito ang kailangan ng tao, ng mahihirap na pamilya. Pero ang ganitong pangarap ay hindi matatagpuan dito sa bansa, kundi sa ibayong dagat. Hindi sana isyu ang “contractualization” o "endo" kung maraming trabaho o ang trabaho ang naghahanap sa tao at hindi ang kabaliktaran nito. Ayon sa SWS, sa kasalukuyan ay nasa 9.1 milyong Pilipino (21.4% ng labor force) ang walang trabaho. Sila ang direktang nakakaranas ng kahirapan. Idagdag pa dito ang may mga trabaho ngunit kulang naman ang sweldo (wala sa minimum wage).

AGENDA NG URING MANGGAGAWA:
CHARTER CHANGE PARA SA INDUSTRIALIZATION!


Sa unang SONA ni Pangulong Duterte, hamunin ng uring manggagawa ang bagong luklok na Administrasyon na isulong ang adyenda ng manggagawa at lapatan ng polisiya sa pamamagitan ng Charter Change thru Constitutional Convention. Sa aksyong ito lamang mapapatunayan ni Digong ang islogan na “Change is Coming!” at “Tapang at Malasakit” para sa mamamayan.

Sa buod, ganito ang Adyenda ng Uring Manggagawa:

Bagong Patakarang Pang-ekonomiya para sa pagpupundar ng Industrialization bilang economic fundamentals ng bansa. Pangunahing layunin nito ang pagpu-produce ng mga kalakal para tugunan ang pangangailangan ng lipunang Pilipino at makasabay sa pandaigdigang kalakalan. Kaakibat nito:

1.    Pagtatayo ng mga Nuclear Power Plant. Pagtitiyak na eco-friendly ang disenyo nito batay sa makabagong teknolohiya upang maiwasan na makapaminsala sa buhay at kalikasan. Sa pamamagitan nito, magiging istable ang suplay ng elektrisidad at mapapababa pa ang presyo ng kuryente para sa mga consumers. Higit sa lahat ay ang kapasidad nitong tugunan ang mataas na demand ng enerhiya (megawatts) na kinakailangan ng industriyalisasyon. Bahagi nito ang pagbabasura sa Epira Law, at sa halip ay ipatupad ang nationalization ng mga Power Plants sa bansa.

2.    Shifting ng Kapital mula sa Negosyo sa Serbisyo Publiko tungo sa Industriyalisasyon. Limitahan lamang sa piling serbisyo ang pamumuhunan ng mga negosyante, kung gayon, dapat akuin ng gobyerno ang pagbibigay ng batayang serbisyo sa mamamayan tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay, tubig, kuryente, transportasyon at komunikasyon. Ang PPP ay dapat ituon na lamang sa pagpupundar ng manufacturing/heavy industries at mining industry kung saan magkatuwang ang malalaking lokal/internasyunal na kapitalista at gobyerno. Ipatupad ang 100% ownership ng mga foreign investors na mamumuhunan sa bansa basta’t ito ay para sa pagpupundar ng mga Heavy/Technological Industries at ibabalik ang pagmamay-ari sa gobyerno makalipas ang 25 taon.

3.    Itransporma ang Conditional Cash Transfer (CCT). Hindi ito ang pangmatagalang solusyon sa karalitaan ng maraming Pilipino. Trabaho at makatarungang sweldo ang lulutas sa kanilang kahirapan. Ang "pagbibigay limos" sa mahihirap ay hindi lang pangungunsinti sa pagiging “tamad” na kultura, kundi nagagamit din sa katiwalian at sa mga layuning pulitika. Sa halip na dole-out, dapat tumbasan ng paggawa ang salapi na tinatanggap nila kada buwan (cash for work). Kung gayon, ang 65 bilyong pisong budget kada taon na nakalaan sa CCT o 4Ps ay sapat ng kapital (capital investment) ng gobyerno para sa pagpupundar ng Heavy Indusries upang tugunan sa hinaharap ang mga pangangailangan sa Panlipunang Serbisyo at Produksyon ng Kalakal.

4.    Ibasura ang Partylist Law, Ipalit ang 30% Direktang Representasyon ng Manggagawa sa Lehislatura. Ang Party List ay tuluyan nang nasalaula sa pagkakaluklok ng mga di-tunay na kinatawan ng sektor at nagamit lang bilang “backdoor” ng masasalapi at pulitiko, kung kaya, dapat nang ibasura ang batas na ito. Sa halip, ipalit dito ang pagsasa-konstitusyon ng direktang pagtatalaga sa Kongreso at sa mga lokal na lehislatura mula sa 30% kinatawan ng uring manggagawa. Ang proseso ng pagtatalaga sa kinatawan ay dapat na tunay na ihinahalal ng mga lehitimong organisasyon mula sa mga lokalidad hanggang sa pambansang antas.

5.    Cooperative Farming bilang Repormang Agraryo. Ang “repormang agraryo” ay hindi dapat sa anyo ng indibidwal na pamamahagi ng lupa, sa halip ay ang kooperasyon ng buong myembro ng komunidad para sa Cooperative Farming. Mangyayari ito sa tulong ng gobyerno sa pamamagitan ng subsidyong kapital mula sa gobyerno na siyang pangangasiwaan ng mga kooperatiba sa kolektibong sistema.

6.    Katiyakan sa Paninirahan ng mga Manggagawa. Karamihan sa mga manggagawa sa lungsod ay umuupa na dagdag pasanin sa pang-araw araw na gastusin nila. Hindi lamang ang mga “informal settlers” ang dapat pagtuunan ng pampublikong pabahay ng gobyerno, kundi ang pagtitiyak din sa paninirahan ng mga industriyal na manggagawa na siyang tagapaglikha ng kalakal ng lipunan ngunit napagkakaitan na makibahagi sa tubo ng kani-kanilang employer. Kaugnay nito ang pagsagka sa patuloy na pagtaas ng renta sa residential, paglimita sa komersyalisadong negosyo sa pabahay, at  pagpapataw ng mataas buwis sa institusyunal na mga simbahan upang ang estado ay magkaroon ng kongkretong rekurso para sa pampublikong pabahay.

7.    Regularisasyon ng mga manggagawa sa sektor ng industriya, pampublikong serbisyo, at komersyo sa pamamagitan ng pagbabasura sa Herrera Law. Ipatigil din sa mga LGUs ang paggawa ng ordinansa na nagbabawal na mag-unyon at pagkakait sa karapatan ng manggagawa sa mga Industrial Zones. Tiyakin ng gobyerno, sa pamamagitan ng batas, ang pagbibigay proteksyon (sa anyo ng subsidy) sa mga manggagawa sa panahong nahaharap sila sa pagkatanggal sa trabaho bunga ng krisis o pagsasara ng negosyo at/o pagbabawas sa trabaho. Ang paglilimita sa naglalakihang sweldo ng nasa managerial position (pribado at gobyerno) ay dapat limitahan sa pamamagitan ng batas na nagtatakda ng “wage cap” upang makapaglaan ng pondo sa mga manggagawang matatanggal sa trabaho. Kaakibat nito ay buwagin ang Regional Wage Board na nagdudulot ng diskriminasyon sa uring manggagawa at tiyakin ang makatarungang pasahod sa lahat. Ipagbawal ang mga Agency para sa mga domestic workers at OFWs, sa halip ay ayusin ang serbisyo ng DOLE at POEA at palakasin ang mga employment agency ng mga LGUs.

8.    Isabatas ang Death Penalty sa mga Corrupt Officials sa Gobyerno. Ang pangungulimbat sa kabang-yaman ng lipunan ay dapat isama bilang heinous crime. Ang pagsugpo sa katiwalian ay kongkretong magagawa sa pamamagitan ng ganitong parusa. Sa panukalang ito, maiibsan ang pangambang magiging gatasan lang ng mga tiwaling opisyal ang pagpapatakbo ng gobyerno sa mga Government Owned Controlled Corporations (GOCCs) sa sektor ng Pampublikong Serbisyo.

~ Pahayag para sa Unang SONA ni Pangulong Duterte / 22 Hulyo 2016 ~
National Confederation of Labor
ATU ° NFL ° KMM ° NUBCW ° KASAMA ° UFSW ° SOCIALISTA ° LAWIN ° CAW

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...